Saturday, February 4, 2012

Annulment, ‘di raw ipagdiriwang ni Kris Aquino, ayon kay Boy Abunda

Bukod sa napawalang-bisa na ang kasal nila ni James Yap, mananatili rin kay Kris Aquino ang konstudiya ng kanilang anak na si Bimby o Baby James.

Sa GMA News TV’s Balitanghali nitong Sabado, iniulat na kasama sa desisyon ng Makati RTC sa pag-apruba ng annulment, ang pagkakaloob ng karapatan kay James na mabisita ang kanyang anak.

Sa hiwalay na ulat ng Chika Minute ng 24 Oras nitong Biyernes ng gabi, sinabing may karapatan si Bimby na mamili kung kanino niya gustong sumama kapag nasa tamang edad na ito.

Ayon kay Atty Lino Kapunan, abogado ni James Yap, walang itinakda ang korte sa schedule ng pagbisita ng kanyang kliyente sa anak dahil maaari naman daw itong pag-usapan mismo ng dating mag-asawa.

Aminado si Kapunan na naging mabilis ang pagproseso sa annulment case na inihain ni Kris noong 2010. Pinapaniwalaan ng abogado na ang maayos na pag-uusap sa paghahati ng mga ari-arian ang dahilan kaya mabilis na nakapagpasya ang korte.

Bagaman noong pang Enero 9, 2012 lumabas ang desisyon sa pagpapawalang bisa sa limang taong kasal nina Kris at James, nito lamang Biyernes nagtapos ang prescription period para maghain ng apela ang alinman sa magkabilang partido.

At dahil wala nang naghain ng apela sa naging desisyon ng korte, pormal na itong magiging epektibo.

Nitong Biyernes ay lumipad si Kris patungong Hong Kong para magbakasyon kasama ang dalawang anak na sina Bimby at Joshua.

Tulad ng dati, hindi gumamit ng VIP lane ang mag-iina at pumila kagaya ng karaniwang pasahero.

Sinabi naman ng TV host na si Boy Abunda na okey lang ang kanyang kaibigan na si Kris matapos mapagtibay ang annulment nito kay James.

Sakabila nito, hindi naman daw nagdiriwang si Kris na nagtungo sa Hong Kong.

“She’s okey… yun lang ang sinabi ni Kris na ‘pag na-a-annul ang mag-asawa parang its not actually an event in a couples life that cause for celebration," ayon kay Abunda.

Ang kawalan ng katungkulan ng nagkasal kina Kris at James ang sinabing ginamit na batayan ng korte para pawalang bisa ang kasal ng dalawa.

Matatandaan na inabot muna ng ilang buwan bago inamin sa publiko nina Kris at James na kasal na sila. Magdiriwang ng kanyang ika-41 taong kaarawan si Kris sa Pebrero 14, na 11-taon ang tanda niya kay James.

Bago ang paghahain ni Kris ng annulment case, ilang ulit na naging laman ng balita ang dating mag-asawa bunga ng mga babae na nauugnay kay James.

Source: http://www.gmanetwork.com/news/story/246844/showbiz/chikaminute/annulment-di-raw-ipagdiriwang-ni-kris-aquino-ayon-kay-boy-abunda

0 comments:

Post a Comment

Share

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More