Thursday, January 26, 2012

Nag-date nga ba sila?: PNoy at Grace Lee, kapwa tahimik

Naging usap-usapan sa microblogging site na Twitter nitong Huwebes ang umano’y date nina Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III at Kapuso host na si Grace Lee, na naganap umano nitong Miyerkules.

Nagsimula ito sa tweet ni Mo Twitter na nagsabing: "we are talking about Grace Lee's date last night with President Aquino. #itsmorefuninthephilippines"

Sumunod nito ay mga tanong mula sa netizens kung totoo bang nagdate sina Aquino at Grace nitong Miyerkules.

Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ng host na si Pia Guanio na hiniling ni Grace na huwag magsalita tungkol sa nasabing isyu.

Nag-text naman ang GMA News Online kay Aquino para alamin kung totoo ang naturang date pero hindi tumugon ang binatang pangulo, na magdiriwang ng kanyang ika-52 taong kaarawan sa Pebrero.

Sa Malacanang, tikom din ang bibig ni Presidential spokesman Edwin Lacierda, at iginiit na hindi sila nagbibigay ng pahayag tungkol sa personal na buhay ng pangulo.

Minsan na rin kasing naglabas ng sintemyento si Aquino sa labis na pagtutok ng publiko sa kanyang personal na buhay -- gaya ng kanyang lovelife.

Unang nagkita sina Aquino at Grace sa isang pagtitipon sa Cebu kung saan tinawag ng pangulo na “guwapa" o maganda ang Kapuso showbiz host, na isang Korean national pero pusong Pinoy.

Muling nagkita ang dalawa nang mabigyan ng pagkakataon si Grace na makapanayam sa Malacanang si Aquino nitong nakaraang Disyembre.

Matapos ang paghihiwalay nila ng kasintahang si Valenzuela Councilor Shalani Soledad noong 2010, naugnay na si Aquino sa iba’t ibang babae. Ilan sa mga ito ay ang stylist na si Liz Uy, stockbroker na si Len Lopez, at teacher na si Bunny Calica.

Samantala, nitong nakaraang Linggo ay ikinasal naman si Shalani kay Pasig City Rep. Roman Romulo.

Source: http://www.gmanetwork.com/news/story/245885/showbiz/chikaminute/nag-date-nga-ba-sila-pnoy-at-grace-lee-kapwa-tahimik?ref=subsection_banner

0 comments:

Post a Comment

Share

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More