Simula sa Mayo 16, ipakikita ng GMA 7 sa pagsasatelebisyon ng Elena Patron's Blusang Itim na magpapakita na ang panlabas na anyo – maganda man o hindi - ay hindi hadlang sa kapalaran ng isang tao.
Sasabak na si Kylie Padilla sa kanyang kauna-unahang pagbibida dahil siya ang gaganap sa karakter na pinasikat ni Snooky Serna sa 1980's movie. Matapos mapanood sa primetime drama na Dwarfina at sa hit series na Tween Hearts, haharapin ng anak ni Robin Padilla ang pinakamalaking challenge sa kanyang career -- ang buhayin muli si Jessa, ang timeless lead character sa Blusang Itim.
Sa afternoon drama na ito, matutunghayan ang kwento sa likod ng hindi magandang mukha ni Jessa at kung paanong nangangarap siyang matanggap at makapasok sa fashion industry bilang isang designer.
Kasama ni Kylie sa series ang ilan sa young and promising stars ngayon. Kabilang dito sina Frank Magalona bilang Angelo, isang kilalang modelong matagal nang hinahangaan ni Jessa.
Si Winwyn Marquez naman ay si Vicky, ang kasintahan ni Angelo na isa ring modelo.
Samantala, gaganap si Lucho Ayala bilang Edward, ang lalaking magkakagusto sa magandang alter ego ni Jessa na si Jessica. At si Carl Guevarra bilang Melchor, ang kaibigan ni Jessa simula pagkabata na umiibig sa kanya sa kabila ng kanyang hitsura.
Lalaki si Jessa na nangungulila sa pagmamahal ng makasarili at ganid na inang si Esmeralda (Jackielou Blanco). Ang hindi niya alam, si Esmeralda ang bunga ng kanyang paghihirap at maging ng kanyang pangit na mukha.
Habang nagdadalang-tao si Rhea (Rita Avila), ang tunay na ina ni Jessa, gumawa ng paraan si Esmeralda upang malaglag ang bata. Hindi kasi matanggap ng huli na mas pinili ni Gerald (Gary Estrada) si Rhea kahit na sinabi niyang buntis din siya.
Hindi man nagtagumpay si Esmeralda na mapatay ang anak ng mag-asawa, nagawa naman niyang miserable kahit papaano at puno nang kasinungalingan ang buhay nila.
Nang manganak si Rhea, hindi makapaniwala si Gerald na deformed ang mukha ng sanggol dahil sa muntik nitong pagka-abort. Naisip niyang alukin si Esmeralda ng pera upang makipagpalit ng anak sapagkat bagong silang din ang anak nitong si Edward.
Tinanggap ni Esmeralda ang offer at kinuha ang kawawang si Jessa ngunit kahit kalian ay hindi niya ito itinuring na anak.
Buong buhay niya, inaasam ni Jessa na matatanggap siya ng mga tao sa kabila ng kanyang hitsura. Hangad din din niyang ibigin siya ng isang lalaking tatanggapin ang kanyang anyo.
Lahat ng ito ay tila imposible hanggang sa dalhin siya ng kanyang mabuting puso sa mahiwagang blusang itim. Hindi lamang pagagandahin ng blusang ito ang kanyang mukha, kundi maging ang kanyang buhay ay babaguhin nito.
Ang blusang itim nga ba ang magiging daan upang maabot ni Jessa ang kanyang mga pangarap at makuha ang buhay na dapat ay mayroon siya? O gagawin ba nitong mas kumplikado at puno ng sakit ang kanyang buhay? Makakatulong kaya ang blusang itim upang makamit niya ang tunay na pag-ibig at pagtanggap na matagal na niyang hinahangad?
Sundan kung paanong ipinagkait ng panlabas na anyo ng isang tao ang pagmamahal na dapat ay kanya at kung paanong mababago ang takbo ng kayang buhay dahil na rin sa kanyang kabutihan.
Kasama rin sa cast ng Blusang Itim sina: Maritoni Fernandez bilang Victoria, ang matapobreng ina ni Angelo; Marissa Delgado bilang Concha, ina ni Esmeralda; Maureen Mauricio bilang Elsa, ang ina ni Melchor na may pilat sa mukha; Bodie Cruz bilang Noel, kaibigan at manager ni Angelo; Chariz Solomon bilang Chiqui, kaibigan ni Jessa; at Andrea Torres bilang Allyson, isa pang anak nina Gerald at Rhea.
Sa pamamahala ng My Lover, My Wife director na si Jay Altarejos, ang Elena Patron's Blusang Itim ay mapapanood araw-araw simula Mayo 16 pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA Dramarama sa Hapon.
Matutunghayan din ang Elena Patron's Blusang Itim worldwide simula Mayo 18 sa GMA Pinoy TV.
Source: http://www.gmanews.tv/story/220291/entertainment/igma-blusang-itim-ni-elena-patron-malapit-na-sa-gma-7
0 comments:
Post a Comment