Naging malungkot ang huling bahagi ng taong 2011 para kay Camille Prats.
Ito ay dahil sa pagkamatay ng kanyang mister na si Anthony Linsangan noong September 23, 2011, sa sakit na nasopharyngeal cancer.
Bagamat nabiyuda kaagad si Camille sa edad na 26, nananatili pa rin siyang matatag dahil kailangan daw siya ng kanyang anak na si Nathaniel Cesar "Nathan" Linsangan.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Camille noong January 10 sa Child Haus sa Project 8, Quezon City, inamin niyang naging malungkot ang pagpasok ng 2012 para sa kanya.
Hindi raw madaling makalimutan ang malungkot na nangyari sa kanyang pamilya.
Saad ni Camille, "Nararamdaman mo yung loneliness. The realization na wala na pala ang partner mo.
"But I don't let it show kapag kasama ko si Nathan.
"Gusto kong makita niyang strong ako.
"Ayokong magpakitang malungkot ako kasi nalulungkot din ang anak ko."
Pero unti-unti naman daw siyang nakaka-cope sa buhay niya ngayon.
Paunti-unti ay hinaharap na niya ang katotohanan na silang dalawa na lang ng kanyang anak ang magkasama.
Ayon pa sa dating child star, "Umuuwi na rin ako sa bahay namin sa Ayala, Alabang.
"Before, hindi ko kaya. Nalulungkot ako.
"Kina Mommy at Daddy sa bahay namin sa Cainta, Rizal, kami tumutuloy ni Nathan.
"Pero ngayon, nandoon na kami [sa Alabang].
"May mga kasama naman kaming mga kasambahay, or minsan sina Mommy nandoon.
"Minsan naman, sa Cainta kami ni Nathan nag-i-stay din.
"So, one small step at a time. Hindi kailangang biglain ko, di ba?
"It's better that I do it slowly para ramdam ko ang paunti-unting recovery."
NATHAN'S BIRTHDAY. Magdiriwang ng kanyang ika-apat na taong kaarawan si Nathan sa January 24.
Ano ang plano ni Camille, lalo na't first birthday ito ni Nathan na wala na ang kanyang ama?
"Magkakaroon pa rin naman ng celebration, pero hindi na yung malaking party.
"Kailangan i-celebrate kasi ito ang stage that Nathan is already aware of what's happening.
"Alam na niya yung mga nangyayari sa paligid niya.
"Kaya kahit na wala na ang daddy niya, may birthday celebration pa rin siya.
"Nandiyan naman ang lolo at lola niya from both sides of the family para ipadama sa kanya yung pagmamahal," saad ni Camille.
FAMILY SUPPORT. Nagpapasalamat nga si Camille sa kanyang pamilya at sa pamilya ng kanyang yumaong mister dahil naging malaking tulong sila sa kanyang paunti-unting pag-recover.
"If it wasn't for them, baka hanggang ngayon ay tulala pa ako," nakangiting sabi niya.
"Parati nila akong kinakausap at ipinaparamdam nila sa akin na nandiyan sila parati.
"Whenever I need them, they are always there.
"Mahal na mahal nila si Nathan kaya sobra ang pasasalamat ko sa kanilang lahat.
"Alam ko naman that Anthony wants me and our son to be happy kahit wala na siya.
"And we are doing just that."
FINDING NEW LOVE. Natawa naman si Camille nang tanungin kung kailan kaya siya iibig ulit, lalo na't ang bata niyang nabiyuda.
Aniya, "Naku, matagal na matagal pa!
"Hindi pa nga ako nakakababang-luksa, di ba?
"Mas gusto kong magtrabaho kesa isipin kung kelan ulit ako makikipag-date or magpaligaw.
"Wala muna ang mga ganyan.
"I want to focus all my attention sa aking trabaho at sa aking anak.
"My son means the world to me, kaya siya na muna ang lalake sa buhay ko."
MUNTING HEREDERA. Hanggang first week of February na lang ang toprating primetime series na kinabibilangan ni Camille sa GMA-7, ang Munting Heredera.
Nagpapasalamat si Camille sa buong staff and crew ng naturang show dahil malaki ang naging bahagi ng mga ito sa buhay niya.
Saad niya, "Family na kami talaga sa set ng Munting Heredera.
"Kapag break time, sama-sama kaming lahat talaga.
"Kaya malungkot na soon ay magkakahiwalay na kami.
"I always look forward sa taping ng Munting Heredera dahil sobrang close kaming lahat.
"But everything must come to an end, di ba?"
Dagdag pa ni Camille, "Hindi namin inaasahan na tatagal kami sa ere.
"Dapat one season lang, pero umabot pa kami ng 2012.
"Nasaksihan namin ang paglaki ng mga bata sa set.
"Marami kaming napasaya, napaiyak, at nabigyan ng aral dahil sa Munting Heredera.
"Very positive ang mga feedback namin sa bawa't episode.
"Personally, naramdaman ko na naging dramatic actress talaga ako.
"Salamat sa director naming si Direk Maryo J. de los Reyes.
"Tinutukan niya ang bawa't eksena namin kaya magandang lumalabas.
"Kaya mami-miss ko 'yang si Direk Maryo."
VACATION. Gusto raw munang magbakasyon ni Camille pagkatapos ng Munting Heredera. Para raw ma-recharge siya bago siya magsimula sa panibagong project.
"Wala pa namang sinasabi sa akin kung ano ang susunod kaya tama lang na magbakasyon muna ako.
"Okey lang na mag-drama ulit ako, pero huwag na yung sagad-sagad. Marami na akong iniluha last year.
"Okey lang ang mga light drama, or puwede akong bumalik sa comedy tulad ng ginawa ko sa Bantatay before. Maiba lang naman.
"But whatever the project is, magpapasalamat pa rin ako.
"I want to work and work ngayong 2012.
"I pray to God na tuluy-tuloy na maging masaya ako at ang anak ko," pahayag ni Camille.
Source: http://www.gmanetwork.com/news/story/244830/showbiz/camille-prats-takes-her-time-recovering-from-husband-s-death?ref=subsection_banner
0 comments:
Post a Comment